Pinaiimbestigahan ni Navotas Representative Toby Tiangco ang insidenteng pagbaha sa Everlasting Street, Tanza 2 matapos umanong hindi agad pinaandar ang main pump ng Doña Aurora Bombastik Pumping Station.
Ayon kay Tiangco, naabisuhan na umano ng Engineering Office ng lungsod ang operator na mataas na ang lebel ng tubig, pero hindi pa rin pinaandar ang main pump na may kapasidad na bumomba ng isang cubic meter ng tubig kada segundo.
Sa halip, maliit na pump na ginagamit para sa maintenance ang pinaandar nito, dahilan para tumaas ang tubig at magkaroon ng baha sa kalsada.
Tatlo ang pump sa nasabing pumping station, ayon kay Tiangco, kaya hiniling niya sa MMDA na imbestigahan ang naging aksyon ng operator at ipatupad ang nararapat na hakbang para hindi na maulit ang insidente.
Humupa na rin ang tubig sa lugar, ngunit iginiit ni Tiangco na dapat maiwasan ang ganitong insidente lalo na kung may available na pumping capacity para agad mailabas ang tubig.
Ang Doña Aurora Pumping Station ay kabilang sa apat na Bombastik Pumping Stations na pinamamahalaan ng MMDA, habang nasa 70 Bombastik Pumping Stations naman ang pinamamahalaan ng Navotas City Government. (Cherk Balagtas)


