WebClick Tracer

Pulis nasawi matapos mabangga sa checkpoint sa Misamis Occidental

Isang pulis ang nasawi matapos umanong mabangga ng humaharurot na SUV habang nakatalaga sa checkpoint sa Jimenez, Misamis Occidental noong Setyembre 21.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente dakong alas-9:45 ng gabi sa National Highway Intersection sa Purok 5, Barangay Butuay. Nakatalaga umano ang 47-anyos na pulis sa Jimenez Municipal Police Station.

Nagsasagawa umano ng overlapping checkpoint ang pulis nang bumangga sa checkpoint signage ang isang SUV na bumibiyahe mula Aloran patungong Ozamiz City bago tumama sa kanya.

Dinala pa umano sa ospital ang pulis matapos magtamo ng malubhang pinsala.

Pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng alak ang driver na kinilalang isang 60-anyos na retiradong sundalo.

Samantala, nagpahayag ng pakikiramay si National Police Commission (Napolcom) Commissioner Rafael Vicente Calinisan sa pamilya, mga kasamahan at mahal sa buhay ng pulis.

“A police officer performing his duty at a checkpoint should be able to do so without being placed in danger by reckless driving. PSMS [Shelvib Cuajao] Cabug was in uniform and wearing a reflectorized vest when he was struck, a painful reminder of the risks police officers face simply by doing their jobs,” ani Calinisan.

Inaasahan naman aniya nito sa Philippine National Police (PNP) ang masusing imbestigasyon sa insidente at kaukulang hakbang batay sa ebidensya.

Tutulungan din umano ng Napolcom ang pamilya ng pulis sa pagproseso at paglabas ng mga benepisyong nararapat para sa kanila. (AC)