Pinag-aaralan ng House prosecution panel kung ipapatawag nito si Atty. Manases Carpio para tumestigo sa impeachment trial ng kanyang misis na si Vice President Sara Duterte.
Ayon sa counsel for the prosecution at legal spokesperson na si Atty. Benjamin Tolosa Jr. bagama’t wala si Carpio sa witness list ng prosekusyon, maaari pa rin nila itong ipatawag upang tumestigo.
“So we’re on continuing evaluation, so we’ll see if there’s a need for it,” sabi ni Tolosa sa isang panayam sa radyo.
“Puwede naman po (ipatawag kahit wala sa list ng witness) dahil meron naman hong general reservation at meron naman hong instance na napayagan na rin ho tayong gawin ’yan,” dagdag pa nito.
Kaugnay ng mga karagdagang testigo, sinabi ni Tolosa na ang kailangan lamang ay bigyan ng prosekusyon ng sapat na abiso ang depensa at ang impeachment court.
“At sabi nga ho ng impeachment court, we just have to give them ample time to prepare, ’yung other party and the court, para dapat ho ma-notify ho sila in advance,” dagdag ni Tolosa.
Nauna nang nakakuha ang prosekusyon ng mga financial, bank, at corporate records nina Duterte at Carpio, gayundin ang mga kompanyang konektado sa kanila, bilang bahagi ng ebidensya na gagamitin upang patunayan ang alegasyon ng unexplained wealth.
Kung ipapatawag si Carpio, sinabi ni Tolosa na maaaring maging legal na usapin ang spousal privilege.
“Well, as a rule, meron hong spousal privilege, but kung paano ho ’yan, it’s subject to certain limitations and restrictions,” sabi ng abogado.
“But kung paano ho ’yan ma-apply dito sa kaso na ’yan, we will see if and when we will call him as witness,” dagdag pa ni Tolosa.
Nagbibigay ang Rules on Evidence ng magkahiwalay na proteksyon para sa spousal testimony at confidential marital communications. (Billy Begas)


