Kumpiyansa umano ang House prosecution panel na malakas ang impeachment case para ma-convict si Vice President Sara Duterte, anuman ang maging desisyon ng Senate impeachment court na pagbatayan ng two-thirds requirement.
Sa oral arguments nitong Miyerkoles, sinabi ni House prosecutor at Akbayan party-list Rep. Jose Manuel Diokno na hindi umaasa ang mga prosecutor sa mas mababang voting threshold para manalo sa paglilitis.
“The Prosecution is confident in its case. The Prosecution has been ready to prove its case. And the Prosecution trusts the independent judgment of this honorable Court,” sabi ni Diokno.
“And whatever the threshold is, however this Court decides the issue before it today, the Prosecution will do its job,” dagdag pa nito.
Iginiit ni Diokno na obligasyon ng prosekusyon na iharap ang ebidensya nito, patunayan ang mga alegasyon, at panindigan ang Articles of Impeachment.
“Our responsibility is not to find the most favorable arithmetic. Our responsibility is to prove the Articles of Impeachment within the bounds of justice,” sabi ng solon. “The Articles do not change. The burden imposed upon the Prosecution does not change.”
“If the Court determines 16, we present our evidence. If the Court determines another number, we present the same evidence. Because the evidence does not become stronger or weaker depending upon the denominator,” dagdag pa nito.
Ayon kay Diokno handa ang prosekusyon na magpatuloy sa paglalatag ng ebidensya anuman ang maging resolusyon ng Senado sa threshold.
Sinabi ng mambabatas na ang usapin sa impeachment court ay hindi kung dapat baguhin ang constitutional requirement na two-thirds kundi kung saan ito dapat na ibatay.
Hindi umano hinihingi ng prosekusyon sa Senado na piliin ang interpretasyong pinaka-pabor sa kanilang kaso.
Sa halip, sinabi ni Diokno na ang iminungkahi ng prosekusyon ay isaalang-alang ng Senado ang usapin batay sa constitutional principle ng accountability, na nakaugat sa deklarasyon ng Article XI na “public office is a public trust” at na ang mga public officer ay dapat may pananagutan sa publiko.
Itinanggi rin ni Diokno ang argumento na ang pagbaba ng denominator o basehan ng two-thirds ay nangangahulugang pagbabago ng mga patakaran sa kalagitnaan ng impeachment trial, at iginiit na nananatili ang two-thirds requirement.
Sinabi niya na ang kailangang tukuyin ng Senado ay kung sino ang dapat isama sa denominator alinsunod sa Konstitusyon, batay sa aktuwal na legal na kapasidad ng mga senador na gampanan ang kanilang mga tungkulin bilang senator-judges.
Ipinunto tin ni Diokno na ang pagbaba ng batayan ng two-thirds ay hindi lamang pumapabor sa prosekusyon kundi maging sa depensa.
Paliwanag ng mambabatas, kung 24 senador ang bibilangin, 16 na boto ang kailangan para sa conviction habang siyam ang kailangan upang mapigilan ang conviction. Kung 20 senador naman ang bibilangin, 14 na boto ang kakailanganin para sa conviction, ngunit pito lamang ang kakailanganin para mapigilan ito.
“A different denominator does not guarantee conviction. It changes the arithmetic on both sides. Parehong panig ang naapektuhan ng bilang,” sabi ng solon.
Anuman umano ang maging desisyon ng Senado ay igagalang ito ng prosekusyon. (Billy Begas)


