Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa napapanahon para muling sumali ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), ayon sa Malacañang nitong Miyerkoles.
Inihayag ito ni Palace Press Officer Claire Castro matapos ang panawagan ni United States Donald Trump sa mga bansa na kasapi ng ICC na magbitiw na bilang miyembro nito.
“Hindi pa po napapanahon ang pag-rejoin sa ICC sa ngayon,” ani Castro.
Sinabi ni Castro na iginagalang ng Palasyo ang panawagan ni Trump, ngunit nananatiling pareho ang tindig ng Pangulo.
“Kung ano po iyong kanyang nasabi before, patungkol sa pagre-rejoin sa ICC, hanggang sa ngayon ay ‘yun pa rin po ang stance ng ating Pangulo,” dagdag pa ng opisyal.
Ipinaalam na rin umano ng Pilipinas sa US ang posisyon nito kaugnay ng kaso sa ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, sinabi ni Castro na wala siyang nakikitang epekto ang mga bagong pahayag sa pagdinig sa kaso ni Duterte.
Aniya, nagpapatuloy ang paglilitis at iginagalang ng mga complainant, abogado, prosecutor at maging ng depensa ang proseso.
Matatandaang pormal na umalis ang Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019, isang taon matapos iutos ni Duterte ang pag-withdraw ng bansa sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa tribunal. (AM)


