Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panibagong yugto ng patuloy na pagsusulong sa Metro Manila Subway Project matapos ang matagumpay na paghuhukay gamit ang tunnel boring machine (TBM) na kumumpleto sa 1.12 kilometrong southbound underground tunnel mula North Avenue hanggang Quezon Avenue.
Ayon sa Pangulo, unti-unti ng nabubuo ang proyekto bilang bahagi ng pagpapalawak sa modernisasyon ng railway system upang mapagaan ang problema sa pagsisikip ng trapiko at mabigyan ang publiko ng mas ligtas, mas mabilis at maginhawang pampublikong transportasyon.
Batay sa report ng Department of Transportation sa Pangulo, halos nasa 60% na ang kabuuang progreso ng Metro Manila Subway Project na mayroong 17 istasyon mula Valenzuela City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City.
Matatandaang noong nakalipas na araw ay ininspeksiyon din ng Pangulo ang proyekto sa bahagi ng paliparan .
Kapag natapos ang Metro Manila Subway Project, magiging 41 minutes na lamang ang biyahe mula Valenzuela City hanggang NAIA mula sa halos dalawang oras na biyahe. (Aileen Taliping)


