WebClick Tracer

PBA legend Bobby Jose sa kabataang manlalaro: Magsipag, mag-ensayo, huwag sumuko

Mula sa kanyang karanasan bilang basketbolista, nagbigay ng simpleng mensahe ang PBA legend na si Bobby Jose sa mga kabataang manlalaro.

Namataan si Jose sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, kung saan eksklusibo niyang ibinahagi sa Abante ang kanyang payo sa younger generation.

Aniya, kinakailangan na maging masipag, patuloy na mag-practice, at maging committed sa mga layunin.

Binigyang-diin ng dating PBA star na hindi basta nakakamit ang tagumpay, kundi bunga ito ng dedikasyon at disiplina, lalo na para sa mga nais maabot ang kanilang mga pangarap.

Si Jose ay mas kilala bilang “The Firecracker” sa loob ng court at dating power forward at center na nagsimula ng kanyang basketball career bilang UST Growling Tiger sa UAAP.

Napili siya bilang fifth overall pick ng San Miguel Beermen sa 1989 PBA Draft at naging bahagi ng koponang nagkampeon sa lahat ng tatlong conference noong kanyang rookie season, na nagbigay sa San Miguel ng unang PBA Grand Slam noong 1989.

Bukod sa San Miguel, naglaro rin si Jose para sa Alaska Milkmen, Ginebra, Pepsi Mega, Stag Pale Pilseners at Tanduay Rhum Masters bago tuluyang magretiro. (AM)