WebClick Tracer

Panelo: Pagbaba ng conviction threshold sa impeachment, paglabag sa Konstitusyon

Iginiit ni Atty. Paolo Panelo, spokesperson ni Vice President Sara Duterte, na malinaw umano sa Saligang Batas na 16 na boto ang kailangan para ma-convict sa impeachment ang isang opisyal.

Ayon kay Panelo, nakasaad sa Article XI, Section 3(6) ng Konstitusyon na kailangan ang boto ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado para sa conviction.

Dahil 24 ang miyembro ng Senado, sinabi ni Panelo na 16 na boto ang katumbas ng two-thirds at “hindi lang 2/3 ng mga senador na kayang makadalo sa pagdinig.”

Tinawag niyang paglabag sa Saligang Batas ang desisyon ng Senate impeachment court na ibaba ang conviction threshold.

“Ang desisyon ng Senado na pababain ito ay maliwanag na paglabag sa Saligang Batas, hindi lamang dahil walang kapangyarihan ang Senado na gawin ito, kundi dahil isa din itong pagyurak ng karapatan ni Vice President Sara Duterte sa due process, partikular na ang mahatulan ng isang patas at walang kinikilingang hukuman,” saad niya.

“Dahil dito, nawalan na ng ligal at moral na awtoridad ang Senate Impeachment Court na ipagpatuloy ang kaso,” dagdag niya.

Sinabi rin niya na ang pagbabago sa voting threshold ay bahagi umano ng pagtatangkang talunin si Duterte sa impeachment at sa 2028 elections.

“Harap-harapan nilang binabaluktot ang batas dahil hindi nila kayang talunin si VP Sara sa patas na laban sa impeachment man, o sa halalan sa 2028. Pilit nilang ginagawa ito dahil umiiwas sila sa napipintong pananagutan sa mga kawalanghiyaan nila sa bayan, dahil alam nilang ‘1 million% hindi maaareglo’ si VP Sara,” ani Panelo. (IS)