Inihayag ng Malacañang na hindi nakabatay sa mga political alliance ang pagbibigay ng Local Government Support Fund (LGSF) sa mga local government unit (LGU).
Binigyang-diin ng Palasyo na ibinibigay ang naturang pondo sa mga lokal na pamahalaan basta’t mapatutunayang kailangan at kwalipikado ang proyekto.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, sinusuri ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga kahilingan.
“So, depende ‘yan sa request. Kung mapapatunayan ninyo through the feasibility studies, sa mga dokumento ipamimigay ninyo, ibibigay ninyo sa DBM, ‘pag nakita qualified, ire-release po ang pondo, kahit ano ang inyong kulay,” aniya.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang Naga City Mayor Leni Robredo, na hindi umano kaalyado ng administrasyon ngunit nakatanggap pa rin ng pondong hiniling ng lungsod.
“Kasi kung sinasabi na pamumulitika ito… si Mayor Leni ang binigyan, hindi sila magkaalyado. Pero bakit kahit hindi magkakulay, hindi magkaalyado, bakit nabigyan ng pondong ni-request ng Naga City?” saad ni Castro.
Kasunod ito ng usapin na nakakuha ang Naga City ng P450 milyon mula sa LGSF para sa rehabilitasyon ng Jesse M. Robredo Coliseum at karagdagang P50 milyon para sa heavy equipment na gagamitin sa disaster response. (AM)


