WebClick Tracer

Pagkamatay ng 4 na OFW sa Strait of Hormuz, kinumpirma ng DMW

Apat na Pilipinong seafarers ang kumpirmadong nasawi sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Strait of Hormuz.

Ito ang kinumpirma ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa harap ng nagpapatuloy na krisis sa Middle East kung saan maraming mga Pilipinong seafarer ang naapektuhan ng kaguluhan.

Sa dinaluhang Philippine Maritime Convention ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Manila Hotel nitong Martes ng umaga, sinabi ni Secretary Cacdac na ang mga nasawi ay kinabibilangan ng tatlo mula sa pag-atake nitong Agosto at isang nawawala noong Pebrero.

Umabot na sa 35 mga barko ang inatake habang dumadaan sa Strait of Hormuz sakay ang tinatayang 500 Pinoy seafarers, at 70% sa mga ito ligtas at nakauwi na sa bansa, habang ang natitirang 30% ay inaasikaso na ang kanilang agarang repatriation.

Sa ginanap na aktibidad, binigyang-diin ng Pangulo ang patuloy na suporta ng gobyerno upang higit na mapahusay ang kinabukasan ng mga seafarer at maayos ang mga balakid sa Maritime Industry lalo na sa pagharap sa mga pagsubok na may kinalaman sa geopolitical tensions. (Aileen Taliping)