WebClick Tracer

Paghuli kay Alice Guo, pagbuwag sa POGO ginamitan ng CIF ng Pangulo – Rep. Garcia

Ginamitan ng intelligence at confidential funds (CIF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang operasyon laban kay dating Bamban Mayor Alice Guo at ang pagbuwag sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).

Ito ang inamin ni House committee on appropriation senior vice chairman at Bataan Rep. Albert Garcia sa interpelasyon ni House deputy minority leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ukol sa intelligence funds ng Pangulo.

“Some of the activities includes presidential anti-crime commission at kasama dito yung paghuli kay Alice Guo at dismantling of the POGO and scam network na successful naman na nangyari sa ating bansa,” ani Garcia.

Magugunita na si Guo ay tumakas sa kasagsagan ng imbestigasyon sa pagkakasangkot nito sa POGO sa bansa subalit nahuli kalaunan sa Tangerang City na malapit sa Jakarta Indonesia at naibalik sa bansa.

Sa ngayon ay nakakulong sa Pasig City Jail si Guo dahil sa kinakaharap nitong iba’t ibang kaso na may kaugnayan sa operasyon ng POGO sa bansa namayagpag noong nakaraang administrasyon at naging dahilan ng paglala ng kaso ng scam at iba pang karumal-dumal na krimen na kinasasangkutan ng POGO workers na pawang mga Chinese nationals.

Sinabi din Garcia na bukod kay Guo at POGO na tuluyang ipinagbawal na sa bansa, ginagamit din d aniya ang CIF ng pangulo sa National Task Force-End Local Communist Armed Confil o NTF-ELCAC at sa paniniktik sa mga transnational crimes at iba pa.

Nang tangkain ni Tinio na hingin ang dokumento kung magkano ang ginagastos ng Office of the President (OP) sa kanilang mga intelligence operations ay tumanggi si Garcia dahil mga confidential aniya ito lalo na sa usapin ng national security na kabilang sa ginagamitan ng CIF.

Humirit si Tinio na idaan sa botohan ang pagkuha ng dokumento subalit agad na sinuspinde ni presiding speaker Janette Garin ang sesyon at pagbalik ay hindi na ipilit ng mambabatas ang kanyang mosyon.

Gayunpaman, tiniyak ni Garcia na regular na nagsusumite ang OP ng report sa Kamara at Senado ukol sa pinaggamitan ng CIF ng pangulo subalit hindi ito maaaring isapubliko dahil may kinalaman ito sa national security.

Sa susunod na taon ay magkakaroon ng P4.58 bilyong CIF ang OP na kabilang sa P10.156 bilyon ng kabuuang budget ng Pangulo. (Bernard Taguinod)