Hindi epektibo at pagsasayang lang ng oras ang ilang hakbang na ginagawa ng mga awtoridad sa ngayon upang maiwasan ang mga insidente ng karahasan sa mga paaralan, ayon kay dating Congressman at retired Col. Bonifacio Bosita.
Matatandaang naiulat kamakailan ang mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban City, Zamboanga at South Cotabato.
Sa panayam sa “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Bosita na hindi dapat sa mga paaralan lamang ituon ang mga hakbang gaya ng simulation exercises, pagpapaigting ng presensya ng pulisya sa mga paaralan at mga lektura.
“Sa akin, sorry, ‘yung mga measures na ginagawa ngayon parang nasasayang lang. Wasting time and hindi effective,” ani Bosita.
“Hindi naman natin kinukuwestiyon ang PNP sa ginagawa nila… pero dapat kasi ‘pag may problema, ‘yung ugat ang ating titignan eh. Ano ba ang ugat? ‘Yung safekeeping… second, ‘yung sa family,” dagdag niya.
Hindi aniya tuluyang matutugunan ang problema kung ang mga bata mismo ay nakakakuha ng baril mula sa locker o drawer ng kanilang pamilya.
Dahil dito, iginiit niyang dapat ituon ang atensyon sa safekeeping ng mga baril at sa pananagutan ng mga may-ari ng baril na hindi maayos na nag-iingat ng kanilang armas.
“Wag nang tingnan ‘yung masyadong malawak. Ang tingnan na lang talaga ‘yung safekeeping at parusahan ng mabigat na parusa ang mga irresponsible gun owner para sila magkaroon ng takot,” sabi pa ni Bosita.
Panoorin ang buong panayam sa September 23 episode ng “The Commanders” kasama si dating Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo (Ret.) sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)


