Posibleng umabot sa tatlong tropical cyclone ang mabuo sa Pilipinas hanggang Disyembre 2026, ayon sa PAGASA nitong Miyerkoles.
“Bagyo, up to three until December, nakikita natin. But come January to March [2027] so magkakaroon po tayo ng either zero or one or slim chance of tropical cyclone formation,” ani PAGASA Climate Impact Assessment and Prediction Section Chief Anna Solis.
Ginawa ni Solis ang pahayag sa 200th National Climate Forum ng ahensya.
Inaasahan ang tig-iisa o dalawang bagyo sa Oktubre, Nobyembre at Disyembre.
Samantala, wala o isang bagyo ang inaasahan sa Enero 2027, habang may “slim chance” naman sa Pebrero at Marso 2027.
Sa kasalukuyan, binabantayan ng PAGASA ang isang tropical depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), na nasa layong 1,855 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Inaasahang papasok ito sa PAR sa pagitan ng Huwebes ng umaga at hapon at kikilos pahilagang-kanluran patungong Extreme Northern Luzon.
Gayunman, hindi inaasahang direktang makaaapekto sa bansa ang bagyo sa susunod na tatlong araw, batay sa forecast ng PAGASA. (AC)


