WebClick Tracer

Nora Aunor isinusulong na maging National Artist for Music

Patuloy pa ring pinag-uusapan sa showbiz at entertainment circles ang hindi pagkakasama ni Vilma Santos sa pinakabagong listahan ng National Artists, dahilan para muling balikan ng marami ang pangalan ng yumaong Superstar at National Artist na si Nora Aunor.

Kasabay nito, muling lumalakas ang panawagan mula sa ilang grupo at tagasuporta ni Ate Guy na kilalanin din ang kanyang napakalaking kontribusyon sa larangan ng musika at isulong ang pagkilala sa kanyang bilang National Artist for Music.

Para sa mga Noranians, hindi lamang sa pelikula dapat tingnan ang naging ambag ni Nora Aunor sa sining ng Pilipinas. Bago siya naging Superstar ay isa na siyang hinahangaang mang-aawit. Mula sa musika, unti-unti niyang binuo ang isang karerang kalaunan ay lumawak sa pelikula, telebisyon at teatro.

Sa loob ng mahigit limang dekada ay naging bahagi siya ng napakaraming proyekto at nakapag-iwan ng mga awiting patuloy na naaalala at inaawit ng kaniyang mga tagahanga.

Sa tuwing binabalikan ang career ni Nora, madalas na nangingibabaw ang kaniyang mga iconic na pagganap sa pelikula pero hindi dapat kalimutan na bago pa man siya kilalaning Superstar, malaki na ang kaniyang naging pangalan sa recording industry.

Sa panahong malakas ang impluwensiya ng mga foreign artists at foreign recordings sa merkado, naging isa si Nora sa mga artistang nagbigay ng malaking atensiyon sa Filipino music. Maraming pagkakataon pa na napapataob niya ang mga kanta ng mga foreign singers.

Ang kaniyang kasikatan bilang recording artist ay nakatulong sa paglapit ng mas maraming tagapakinig sa mga awiting Pilipino. Kasabay ng pag-usbong ng kaniyang career ay ang paglitaw at pagsikat ng iba pang mga lokal na mang-aawit na nagkaroon ng mas malaking espasyo sa industriya.

Para sa kaniyang supporters, bahagi ito ng dahilan kung bakit dapat ding tingnan ang legacy ni Nora bilang isang mang-aawit at hindi lamang bilang aktres.

May mga grupo at indibidwal gustong mabigyan din ng mas malawak na pagkilala ang musical legacy ni Nora at maisama sa pagtalakay ang kaniyang naging impluwensiya sa Philippine recording industry. Para naman sa mga Noranians, napakalaki ng naging papel ni Ate Guy sa pagpapalakas ng interes ng publiko sa Filipino music.

May mga pahayag din mula sa ilang tagasuporta at personalidad sa publiko na kabilang si Atty. Trixie Angeles na kumikilala sa pagiging kuwalipikado ni Nora para sa naturang pagkilala sa larangan ng musika.

Gayunman, ang National Artist recognition ay dumadaan sa itinakdang proseso at pagsusuri ng mga kinauukulang institusyon. At sa muling pag-uusap tungkol sa National Artist recognition, muling nabubuksan ang isang panawagan mula sa kaniyang loyal supporters na kilalanin din ang musical legacy ni Nora Aunor at ang naging ambag niya sa pag-unlad at pagpapalaganap ng Philippine Music. (Rodel Fernando)