WebClick Tracer

Negosasyon sa free trade agreement ng Pilipinas, European Union nagbunga na

Pagpupulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at EU officials para sa opisyal na pagtatapos ng free trade agreement ng Pilipinas at EU.

Matapos ang tatlong taong negosasyon ay magkakaroon na ng katuparan ang hinahangad na free trade agreement sa pagitan ng Pilipinas at European Union.

Sa naging pag-uusap nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at European Commission President Ursula Von Der Leyen sa telepono kagabi ay natapos ang mahalagang konklusyon ng negosasyon para sa Philippines-European Free Trade Agreement (FTA) na magbibigay- daan sa pormal na pagtatapos ng negosasyon at kalaunan ay pagpirma ng kasunduan.

Sinang-ayunan kapwa ng Pangulo at ni Von Der Leyen na ang FTA ay patunay ng malakas na partnership sa pagitan ng Pilipinas at EU para sa patas na kalakalan na kapwa pakikinabangan ng bansa at mga bansa sa Europa.

Inaasahang magdadala ng mas maraming oportunidad sa negosyo at pamumuhunan ang FTA, lilikha ng trabaho at mas malakas at magkakaibang supply chains.

Sinabi ng Pangulo na makikinabang ang mga Pilipino sa FTA partikular sa mga sektor ng magsasaka, manufacturers, consumers at micro small and medium enterprises.

Matatandaang natigil ang free trade agreement sa EU noong nakalipas na administrasyon at muling nagkaroon ng negosasyon sa ilalim ng Marcos administration. (Aileen Taliping)