Nagpakalat ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng karagdagang 73 police motorcycle sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila upang mapabilis ang pagtugon sa mga tawag pang-emergency sa pamamagitan ng 911 hotline.
Sa isang pahayag nitong Miyerkoles, sinabi ng NCRPO na layunin ng hakbang na matulungan ang mga pulis na agarang rumesponde sa mga emergency sa kabila ng matinding trapiko at pagsisikip ng mga kalsada.
“Every second matters during an emergency. These additional motorcycles will give our responders greater mobility and allow them to reach people in distress as quickly as possible,” ani NCRPO Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano.
“When the public calls 911, we want our response to be fast, coordinated, and reliable. These motorcycles will help us navigate traffic and bring police assistance closer to the community,” dagdag niya.
Ipinakalat ang 73 motorsiklo sa piling himpilan ng pulisya sa Metro Manila, kabilang ang tig-18 sa Maynila at Pasay, 14 sa Taguig, 13 sa Quezon City at 10 sa Pasig.
Sinabi ni Abrahano na karagdagan ang mga motorsiklo sa mga kasalukuyang sasakyan at tauhan ng pulisya na tumutugon sa mga tawag sa 911 emergency hotline.
Inatasan din niya ang mga police commander na iposisyon ang motorcycle responders sa mga estratehikong lugar upang agad na makatugon sa mga tawag.
Hinimok naman ni Abrahano ang publiko na manatiling kalmado, magbigay ng tamang detalye at sundin ang mga tagubilin ng emergency responders kapag tumatawag sa 911 hotline. (AC)


