WebClick Tracer

Mayor Baste hindi basta makakaiwas sa impeachment trial ni VP Sara Duterte – Tolosa

Hindi umano basta makakaiwas si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa pagtestigo sa Senate impeachment court dahil lamang sa siya ay kapatid ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay counsel for the prosecution at legal spokesperson Benjamin Tolosa Jr. na ang pagiging kapatid ng respondent ay hindi sapat na batayan para makaiwas sa witness stand.

“Well, in general, hindi ho puwede kasi wala naman pong ganung testimonial privilege,” sabi ni Tolosa sa isang panayam sa radyo bilang tugon sa tanong kung maaaring tumanggi si Mayor Duterte na sagutin ang mga tanong dahil maaari itong makapinsala sa kanyang kapatid.

Naglabas ang Senate impeachment court ng subpoena kay Mayor Duterte sa kahilingan ng prosecution panel. Nakatakda siyang tumestigo sa susunod na linggo kaugnay ng kasunduang pinasok ng Davao City government sa GenCorp Industries Inc., isang kumpanyang iniuugnay sa Vice President.

“Tulad ho ng kahit sinong mamamayan na served ng subpoena, dahil compulsory process ng court ’yan, kailangan hong tumalima,” sabi ni Tolosa.

Nilinaw ni Tolosa na maaari pa ring maghain si Duterte ng mga objection sa partikular na mga tanong, ngunit ang pagiging kapatid lamang ng respondent ay hindi sapat na dahilan para hindi siya humarap bilang testigo.

“Kung hindi ho siya susunod, of course kailangan niyang magbigay ng sufficient justification sa korte kung bakit, at kapag hindi siya sumunod at hindi katanggap-tanggap ang rason para sa impeachment court, then meron hong remedy ang court para ma-enforce itong order niya na ’to,” paliwanag ni Tolosa.

“Puwede siyang ma-cite in contempt and puwedeng i-compel ’yung attendance,” dagdag pa nito. (Billy Begas)