Panahon na umano upang amyendahan ang Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act upang mapabigat ang parusa sa mga may-ari na mapatutunayang nagpabaya sa pag-iingat ng kanilang mga armas.
Ito ang naging sentro sa talakayan sa programang “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, matapos ang magkakasunod na pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban City, Zamboanga at South Cotabato na kinasangkutan ng mga baril na pag-aari ng mga tauhan ng gobyerno.
Ayon kay Atty. Rodrigo Moreno, founding member at president ng Gun Owners in Action (GOAC), sapat ang kasalukuyang batas pagdating sa mga requirement sa ligtas na pag-iimbak ng baril ngunit kailangan itong maayos na ipatupad.
“If we’re talking about the law, General, the law right now, as it is presently worded, we feel it is adequate. It is just a matter of enforcement,” ani Moreno.
Sa ilalim ng RA 10591, sinabi ni Moreno na kinakailangang may lock bolt, safe o locked container ang registered gun owner para sa ligtas na pag-iimbak ng armas.
“Loss of a firearm through negligence is punishable with a lifetime ban,” ani Moreno.
Gayunman, sinabi ni dating Congressman at Retired Col. Bonifacio Bosita na mababa ang kasalukuyang parusa para sa kapabayaan, na maaaring humantong lamang sa suspensyon o pagbawi ng lisensya o permit.
Aniya, hindi tatamaan ng mabigat na parusa ang may-ari ng baril at sinasampahan lamang ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, habang hindi naman criminally liable ang mga menor de edad na sangkot sa mga kamakailang pamamaril.
“Kaya sa sariling pananaw bilang dating pulis at dating mambabatas, kahit may gusto ang pulis na gawin para ipatupad nang tama ang batas para ma-address itong mga ganitong insidente, wala silang armas,” ani Bosita.
“Napapanahon na ba para amyendahan ‘yung batas na ‘to, itong Republic Act 10591,” dagdag niya.
Panoorin ang buong panayam sa September 23 episode ng “The Commanders” kasama si dating Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo (Ret.) sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)


