WebClick Tracer

Marcos seryosong ikinokonsidera pagbibigay ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso

Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang seryosong ikinokonsidera ang pagbibigay ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso.

Seryosong ikinokonsidera ng Office of the President, sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paggawad ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso.

Sa deliberasyon ng plenaryo nitong Miyerkules, tinanong ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago si Bataan Rep. Albert Garcia, ang budget sponsor ng OP, tungkol sa panawagang pagkalooban si Veloso ng executive clemency.

“Nananatili po siyang nakakulong hanggang ngayon Madam Speaker, simula po ng makabalik siya dito sa Pilipinas siya po ay nananatili sa Correctional Institution for Women. Ang kanyang kaso po ay kinilala hindi lamang po dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo na isang malinaw na halimbawa ng human trafficking at forced drug mule exploitation,” sabi ni Elago.

“Ano po ba ang tiyak na hakbang na ginagawa ng Office of the President upang matiyak ang kanyang agarang paglaya at matiyak po na makasama na niya ang kanyang pamilya na sa ngayon ay nasa ngayon ay nasa 16 na taon na po siyang nawalay sa kanyang pamilya,” dagdag pa nito.

Sagot ni Garcia, “The Office of the President is seriously considering to grant absolute pardon to Mary Jane Veloso on humanitarian grounds in support of the government’s commitment to protecting Filipino migrant workers.”

Nang tanungin ni Elago kung kailan ipagkakaloob ang absolute pardon, sinabi ni Garcia na “There will be an announcement in a few days.”

“Magandang balita po ito para kay Mary Jane Veloso at sa kanyang pamilya. Ang isyu po kasi na ito ay hindi lang tungkol kay Mary Jane Veloso, kundi para sa bawat Pilipino na naghahangad ng mas magandang buhay, ng disenteng trabaho, dito sa ating bansa,” sabi ni Elago.

“Dapat may kalakip ito na pagpapalakas ng laban sa human trafficking, pagpapalakas ng ating proteksyon para sa mga migrant workers, at higit sa lahat, pagtitiyak ng aktibong paglikha ng mas maraming trabaho dito sa Pilipinas. Trabaho na may nakabubuhay na sahod para sa kanilang pamilya,” dagdag pa ng lady solon. (Billy Begas)