WebClick Tracer

Manibela magkakasa ng tigil-pasada sa Setyembre 28-30

Magkakasa ang transport group na Manibela ng tatlong araw na tigil-pasada sa Setyembre 28, 29 at 30 bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at umano’y kawalan ng sapat na aksyon ng pamahalaan.

Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, patuloy na nababawasan ng tumataas na presyo ng diesel ang kita ng mga tsuper at operator.

Giit niya, hindi sapat ang pansamantalang ayuda o fuel subsidy kung hindi natutugunan ang ugat ng problema.

Ang anunsyo ay kasunod ng nauna nilang tigil-pasada noong Setyembre 14 at 15 dahil din sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Kabilang sa mga panawagan ng grupo ang dagdag-pasahe para sa mga tsuper at operator, pagbaba ng presyo ng langis, pagtanggal ng excise tax at value-added tax sa petrolyo, at pagrepaso sa Oil Deregulation Law.

Samantala, nauna nang inanunsyo ng grupong Piston ang kanilang tigil-pasada sa Setyembre 29 at 30 dahil din sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. (AC)