WebClick Tracer

Luistro: Karapatan ng depensa na dumulog sa Korte Suprema

Karapatan ng sinuman na tumakbo sa Korte Suprema para kuwestiyonin ang desisyon ng Senate impeachment court na ibaba ang conviction threshold sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang pahayag ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro matapos sabihin ng depensa na gagamitin nila ang lahat ng legal na paraan na puwede nilang magamit upang mapanatili ang 16 votes o 2/3 ng kabuuang miyembro ng Senado na 24.

“Anyone is free to go to the Supreme Court if they believe that there is grave abuse of discretion that amounts to excess or lack of jurisdiction,” pahayag ni Luistro.

Sa botohang naganap sa Impeachment Court, 13 ang pumabor na ibase ang 2/3 votes sa bilang ng mga senador na aktuwal na dumadalo sa impeachment trial isa ang abstain habang hindi naman bumoto ang 6 na senador mula sa minorya.

Kabilang sa mga hindi bumoto sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Sens.Pia Cayetano, Mark at Camillle Villar, Robin Padilla at Bong Go.

Subalit ayon kay Luistro, naninindigan ang prosecution na wala pa sa panahon para kuwestiyonin ang isyung ito sa Korte Suprema dahil hindi pa aktuwal na nagbobotohan sa conviction o acquittal sa impeachment case ni Duterte.

“Our position as articulated by Congressman Chel Diokno kanina, magiging justiciable lang yan after the voting of the verdict which means the acquittal or conviction,” paliwanag ni Luistro.

“But of course anyone can go to the Supreme Court and it is for the Supreme Court to address the petition which will be filed,” dagdag pa ni Luistro.

Samantala, sinabi naman ni prosecutor at Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima na hindi binago ng Senate Impeachment court ang saligang batas na 2/3 ang kailangang boto para sa conviction.

“Sa pasya ng Impeachment Court, hindi nagbago ang 2/3. Anuman ang pinal na numero, tuloy ang Prosecution sa paglalatag ng mga ebidensya para sa pananagutan at hustisya,” ayon kay De Lima. (Bernard Taguinod)