WebClick Tracer

LTFRB pinahaharap platform provider ng mototaxi rider na ‘nangmanyak’ ng pasahero

Pinahaharap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang platform provider ng isang motorcycle taxi matapos umanong i-harass ng rider nito ang isang babaeng pasahero.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua Jr., naglabas na ang ahensya ng show cause order laban sa JoyRide PH upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang awtoridad nitong mag-operate bilang Motorcycle Taxi Platform Provider.

Inatasan din ng ahensya ang platform na tiyaking haharap sa nakatakdang pagdinig sa Oktubre 6 ang rider na nakuhanan sa viral video.

Ayon sa paunang imbestigasyon, sinabi ng LTFRB na nag-book ang pasahero ng biyahe mula San Mateo, Rizal patungong Cubao, Quezon City nang umano’y i-harass siya ng rider habang nasa biyahe.

Nakunan mismo ng biktima ang insidente na umano’y nagdulot sa kanya ng matinding trauma.

Sinabi ni Pua na malinaw na paglabag ang insidente sa kondisyon ng authority to operate na nag-aatas sa motorcycle taxi platforms na magbigay ng ligtas, maaasahan at maayos na serbisyo sa publiko.

Sinusuri rin ng LTFRB ang iba pang posibleng paglabag kaugnay ng proseso ng pag-vet sa mga rider na inililista sa platform. (AC)