Tiniyak ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkoles kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi ito nag-iisa sa pagharap sa pagsisiyasat kaugnay ng mga maanomalyang flood control project.
“Kaya nga po may mga nakakulong, out on bail, at marami pang iniimbestigahan ang Ombudsman dahil sa maanomalyang flood control projects sa iba’t-ibang panig ng bansa, kasama ang Taguig at Davao. Huwag nang maghanap ng idadamay, madami kayo,” ani Lacson sa X.
Sa kanyang mga kamakailang livestream post, iginiit ni Cayetano na hindi lamang Taguig ang dapat imbestigahan kaugnay ng mga maanomalyang infrastructure project.
Naimbestigahan na ng Office of the Ombudsman ang ilang maanomalyang flood control project sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Taguig City, na balwarte ni Cayetano.
Mula noong nakaraang taon, aktibo si Lacson sa pagbusisi sa mga anomalya sa likod ng mga palpak at guniguning flood control project, hindi lang sa Taguig. Sa dalawang privilege speech, idinetalye niya ang korapsyon sa likod ng mga naturang proyekto sa Bulacan at Oriental Mindoro.
Pinamunuan din niya ang mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee na nagbunga ng ilang mahahalagang ebidensya kaugnay ng usapin.
Nakapagsumite din siya at ang kanyang staff sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case study na suportado ng mga opisyal na dokumento at nagdedetalye ng “systemic anomalies” sa mga flood control infrastructure project sa Taguig. (Dindo Matining)


