Hindi nakikita ng Malacañang na magkaroon ng epekto sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang panibagong panawagan ni United States President Donald Trump sa lahat ng bansa na tumiwalag ng suporta sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, umuusad ang kaso ng dating presidente sa ICC at aktibong nakikilahok sa proseso ng pagdinig sa kaso ang mga abogado at complaints sa kasong crimes against humanity ni Duterte sa kabila ng panawagan ni President Trump.
Sinabi ni Castro na nasagot na ng gobyerno ang panawagan ni President Trump matapos makipag-usap ni Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romualdez sa US Department of State Secretary at ipinaalam kung ano ang sitwasyon ng Pilipinas sa ICC, partikular ang kasong isinampa na mag kaugnayan sa umano’y extrajudicial killings.
Sa kabila ng panawagan ng US, sinabi ni Castro na nananatili ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa napapanahon para muling sumali ang Pilipinas sa ICC.
Matatandaang kumalas ang Pilipinas sa membership nito sa Rome Statute noong panahon ng Duterte administration matapos ireklamo ang dating presidente sa ICC kaugnay sa maramihang pagpatay dahil sa war on drugs. (Aileen Taliping)


