WebClick Tracer

Karamihan ng frozen assets nasa preservation stage – AMLC

Karamihan ng mga asset na isinailalim sa freeze order kaugnay ng mga kaso ng korapsyon ay nananatili sa preservation stage, ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Sa budget deliberation noong Martes, tinanong ni House Deputy Minority Leader at PHILRECA party-list Rep. Presley de Jesus si Negros Oriental Rep. Ma. Isabel Sagarbarria, ang sponsor ng panukalang budget ng AMLC, kaugnay ng mga asset na isinailalim sa freeze order kaugnay ng mga isinampang kaso ng korapsyon.

“Mr. Speaker, most of the corruption-related assets are still on the freezing or preservation stage because the cases were filed only recently,” sabi ni Sagarbarria.

Noong Enero 2026, sinabi ni Sagarbarria na tinatayang P24.7 bilyong halaga ng mga asset ang isinailalim sa freeze order kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa mga proyekto ng gobyerno.

Sinabi niya na noong nakaraang taon, 15 sa 30 freeze order na inilabas ng Court of Appeals (CA) ay may kaugnayan sa mga kaso ng korapsyon, kabilang ang 14 kaso na may kinalaman sa umano’y mga iregularidad sa flood control projects na sumasaklaw sa P20.26 bilyong preserved assets.

Sa unang anim na buwan ng taon, sinabi ni Sagarbarria na 18 sa 28 civil forfeiture petition na inihain kaugnay ng mga kaso ng korapsyon ay sumasaklaw sa P15.76 bilyon. Katumbas umano ito ng 57% ng lahat ng asset na na-preserve sa nasabing panahon.

Noong Hunyo 30, 2026, limang aktibong freeze order na may kaugnayan sa mga kaso ng korapsyon ang sumasaklaw sa karagdagang P1.01 bilyong halaga ng mga asset.

Sinabi ni Sagarbarria na nakabinbin pa ang mga kasong ito sa mga trial court, at susunod ang judgment of forfeiture matapos ang paglilitis.

Para sa mga kaso ng flood control, sinabi ng lady solon na 22 petition ang naihain na sumasaklaw sa tinatayang P16 bilyong preserved assets hanggang Setyembre 16, 2026.

Sa lahat ng kaso ng AMLC mula 2006, sinabi ni Sagarbarria na naglabas ang mga korte ng 106 forfeiture orders na sumasaklaw sa P2.17 bilyong halaga ng mga asset. Sa halagang ito, P774 milyon ang naibalik sa mga biktima, P166 milyon ang ibinigay sa national government, habang P119 milyon ang inilipat sa Office of the Ombudsman. (Billy Begas)