Pinatutunayan umano ng pagkakaroon ng prangkisa ng Jollibee fast food chain ng GenCorp Industries Inc., isa sa mga kompanya na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte, na operational pa ito.
Sa paglilitis nitong Martes, sinabi ni House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na isang kontrata ang iniharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang nagpapakita na ang Gencorp ay mayroong branch ng Jollibee sa Davao City.
“Wag na po tayong magpanggap na hindi po ito Jollibee. Kaya nga ang pinag-uusapan natin dito, bida ang sarap, bida po ’yung ebidensya. It is not sub judice because it is in the contract itself,” sabi ni Ridon.
Ginawa ni Ridon ang pahayag matapos maging isyu ang pagkakakilanlan ng “Jollibee Bolton” sa testimonya ni Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) Division Chief Rendell Sopeña.
Sa direct examination, tinanong ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro si Sopeña kung ang Jollibee Bolton ay ang parehong Jollibee na kilala ng publiko. Tinutulan ng depensa ang tanong, habang sinabi ni Sopeña na “not familiar” siya rito.
Ngunit tinukoy sa kontrata na ang Jollibee Bolton ay sangay ng Jollibee Foods Corporation na nasa ilalim ng prangkisa ng Gencorp.
Nakalista sa opisyal na store directory ng Jollibee ang Davao Bolton branch nito sa Bolton Street corner J.P. Rizal Street, Barangay 12-B, Davao City.
“In fact, pagka nakita po sa contract—this is not sub judice because it’s in the contract itself—Jollibee Foods Corporation po ’yung pinag-usapan dito,” sabi ni Ridon.
Para sa mga prosecutor, nakatutulong din ang Jollibee franchise upang mapatunayan na ang GenCorp ay isang operating company na may aktuwal na mga aktibidad sa negosyo.
“But very important, nakita po natin ano ba talaga ’yung operational existence nito pong Gencorp na ito. So, may mga kontrata po sila, PhilHealth, OWWA, the City Government of Davao,” sabi ni Ridon.
Sinabi ni Sopeña na nakakuha ang GenCorp ng 49 kontrata mula sa gobyerno na nagkakahalaga ng P35.88 milyon mula nang maupo si Duterte bilang bise presidente. Kabilang dito ang Davao City government, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Region XI at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region XI.
Sa 49 kontrata, 15 na nagkakahalaga ng P34.22 milyon ang mula sa Davao City government, 33 na nagkakahalaga ng P1.33 milyon mula sa PhilHealth Region XI at isa na nagkakahalaga ng P330,000 mula sa OWWA Region XI.
Ang Gencorp ay kabilang sa mga business interest at financial connection na idineklara ni Duterte sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Iginiit ni Ridon na ang mga kontrata ng GenCorp ay pinasok nito sa Davao City government sa ilalim ni Mayor Sebastian Duterte, kapatid ng Vice President.
“Katulad po ng binanggit ng atin pong Lead Prosecutor kanina, nakita po natin dito ’yun pong kontrata ng Gencorp ay ‘yung kapatid ng ating pong Pangalawang Pangulo,” ani Ridon.
“At sinabi mismo sa SALN ng Pangalawang Pangulo, siya po ay stockholder ng Gencorp,” dagdag pa ng mambabatas. (Billy Begas)


