WebClick Tracer

Jail congestion rate sa ‘Pinas umaabot pa rin sa 250%-285% – criminologist

Si Dr. Raymund Narag habang tinatalakay ang jail congestion rate sa Pilipinas sa programang The Commanders.

Bagama’t bumaba nang malaki ang jail congestion rate sa Pilipinas mula sa tinatayang 620% noong 2016, nananatili pa rin umano itong mataas at kabilang sa pinakamalalang congestion rate sa mga kulungan sa buong mundo.

Inihayag ito ni Dr. Raymund Narag, associate professor ng Criminology and Criminal Justice sa Southern Illinois University Carbondale sa Estados Unidos, sa panayam sa programang “The Commanders” ng Abante, na simulcast sa Bilyonaryo News Channel.

Aniya, nasa 250% hanggang 285% na lamang ang congestion rate mula sa dating 620%.

“And I believe from the peak in 2016, when we have around 620% congestion rate, we are down to 250-285. So we have reduced it quite tremendously, though mataas pa rin, and we are still one of the highest, most congested jails in the world,” saad ni Narag.

Ayon kay Narag, kabilang sa mga hakbang ng pamahalaan ang pagpapalawak ng kapasidad ng mga jail at prison facility sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bagong pasilidad at pagdagdag ng mga bed space.

Gayunman, sinabi niyang hindi sapat ang pagtatayo lamang ng mga bagong kulungan para tuluyang malutas ang problema.

“Pero alam mo, kahit build ko nang build ng mga bagong prisons, kung maraming pumapasok, matagal ang proseso, at kakaunti ang lumalabas, dadami rin ang bilang ng mga tao sa loob,” dagdag naman ni Narag.

Panoorin ang buong panayam sa September 22 episode ng “The Commanders” sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.

Mapapanood ang programa Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AM)