WebClick Tracer

Inspeksyon, audit sa mga baril ng gov’t officials hinirit kay PBBM

Naghain ng resolusyon ang Akbayan reform bloc sa Kamara para hilingin kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipag-utos ang komprehensibo at impartial audit, accounting at physical inspection sa lahat ng baril na inisyu o personal na pag-aari ng mga empleyado at opisyal ng gobyerno.

Ginawa ng Akbayan reform bloc ang nasabing resolusyon sa gitna ng tatlong school shooting incident partikular na sa San Jose National High School sa Tacloban City, Ateneo de Zamboanga University at Banga National High School sa Banga, South Cotabato ,kung saan ang mga baril na ginamit ay pag-aari ng mga government officials/

“Kailangan nang kumilos ang ating pamahalaan upang mapigilan ang ganitong mga insidente. Hindi sapat na may tala tayo kung kanino nakatalaga ang mga baril. Kailangang matiyak na ang bawat baril ay maayos na iniingatan, nababantayan, at hindi na-a-access ng mga hindi awtorisadong tao,” ani Akbayan party-list Rep. Chel Diokno matapos ihain ang House Resolution (HR) 1468.

Kasama ni Diokno na may-akda sa nasabing resolusyon sina Akbayan party-list Rep Percival Cendaña at Dadah Kiram Ismula, Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao.

Nais ng nasabing grupo na matiyak na ang mga baril na inisyu ng gobyerno sa mga empleyado at opisyales ng gobyerno na hindi ito makuha ng mga bata at magamit krimen tulad ng ginawa ng mga estudyanteng namaril sa tatlong nabanggit na paaralan.

Sa Tacloban anila ay baril ng isang police staff sergeant ang ginamit habang sa Zamboanga ay pag-aari ng naman ng ama ng suspek na nagtatrabaho sa Bureau of Customs samantalang sa Banga, South Cotabato armas naman ng empleyado ng Department of Education (DepEd) ang ipinampatay.

“Mas nakababahala dahil mga menor de edad ang nakakuha ng access sa mga baril at nagamit ang mga ito upang manakit at pumatay sa loob ng paaralan,” ayon kay Diokno.

Kung aaprubahan ang resolusyon, aatasan ng pangulo ang Firearms and Explosives Office (FEO) ng Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng comprehensive safety audit at physical accounting sa lahat ng baril na inisyu o personal na armas na binigyan ng lisensya ng mga empleyado at opisyales ng gobyerno.

“Ang tanong ngayon ay simple: Sino ba ang may hawak ng baril, at kung ligtas ba itong nakatago? Kung may mga nawawala o hindi ma-account, kailangang malaman agad kung nasaan ang mga ito at bakit nangyari iyon,” ayon pa kay Diokno. (Bernard Taguinod)