Sa botong 13-1, naglabas ngayong araw ang Senate impeachment court ng bagong ruling sa bilang ng botong kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte at mas mababa na ang kinakailangang boto depende sa bilang ng mga senator-judge na legal at aktuwal na makakalahok sa botohan.
Binaligtad ng korte ang naunang ruling ni Presiding Officer at Sen. Francis Escudero.
Sa bagong pasya, ang “all members of the Senate” sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution ay tumutukoy lamang sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa impeachment proceedings sa oras ng botohan.
Ibig sabihin, maaaring hindi isama sa pagboto sa final verdict ang mga senator-judge na nakakulong, suspendido, o legal na hindi makaganap bilang senador.
Hindi rin maaaring isama ang mga pinaghahanap ng awtoridad na hindi matukoy ang kinaroroonan, may physical o medical incapacity, hindi maabot ng proseso ng Senado, at iba pang nasa kaparehong sitwasyon.
Dumating ang desisyon matapos marinig ng impeachment court ang testimonya ng apat na amici curiae, pati ang mga argumento ng prosecution at defense.
Ibinasura rin ng impeachment court ang apela ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na pigilan muna ang mga senator-judge sa pagdedesisyon sa isyu.
Bagong kuwenta sa two-thirds vote
Sa pagtanggap sa desisyon, sinabi ni Escudero na kailangan munang pormal na tukuyin ng korte, batay sa sapat at katanggap-tanggap na ebidensya, kung ang isang senador ay pasok sa alinman sa limang dahilan para hindi maisama sa botohan.
Kapag natukoy na ito, ang bilang ng mga natitirang senator-judge na puwedeng bumoto ang magiging basehan sa pagkukuwenta ng two-thirds vote na kailangan para sa conviction.
Nilinaw rin ni Escudero na kapag may fraction o decimal ang two-thirds computation, kailangang i-round up ito sa susunod na buong numero — kahit mas mababa pa sa 0.5 ang fraction.
“Halimbawa, kung 20 ang denominator, ang two-thirds ay 13.33. Kapag ibinaba ito sa 13, kulang iyon sa two-thirds na hinihingi ng Konstitusyon,” paliwanag ni Escudero.
Dahil wala namang “fraction” ng senador o boto, sinabi niyang kailangang itaas ito sa 14.
Sa ganitong paraan, matitiyak na ang boto para sa conviction ay hindi bababa sa two-thirds ng mga senator-judge na maaaring lumahok. (Dindo Matining)


