Pinalalakas ng Lian, Batangas ang turismo sa pamamagitan ng pagpapahusay sa mga tradisyonal na floating bamboo raft o balsa, na matagal nang bahagi ng kabuhayan at tourist experience sa bayan.
Isinasagawa ng Department of Tourism (DOT) Region IV-A at ng pamahalaang bayan ang Sustainable Balsa Tourism Development training mula September 21 hanggang 26, na dinaluhan ng mga balsa operator at iba pang tourism stakeholders.
Layunin ng programa na gawing mas organisado, ligtas at sustainable ang balsa tourism habang pinangangalagaan ang likas at kultural na yaman ng Lian.
Pinaka-kilala ang mga balsa sa Matabungkay Beach, kung saan ginagamit ang mga ito bilang lugar para magpahinga, kumain, magtipon at mag-enjoy sa dagat.
Bahagi rin ng lokal na kultura ang taunang Balsa Festival tuwing Abril, tampok ang parada ng mga pinalamuting balsa na nagpapakita ng pagkamalikhain ng mga residente at kahalagahan ng mga ito sa pagkakakilanlan ng bayan.
Batay sa datos ng municipal government, nakapagtala ang Lian ng 1,480,091 tourist arrivals noong 2025, kabilang ang 837,984 overnight visitors at 642,107 same-day tourists. (Ronilo Dagos)


