WebClick Tracer

Filinvest Land katuwang na ng Pag-IBIG sa Expanded 4PH program

Mas maraming Pilipino ang maaaring magkaroon ng access sa abot-kayang pabahay matapos makipag-partner ang Filinvest Land Inc. sa Pag-IBIG Fund para sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.

Sa ilalim ng partnership, maaaring gamitin ng mga kwalipikadong Pag-IBIG member ang housing loan financing para sa piling residential projects ng Filinvest, kasama ang preferential pricing at iba pang benepisyo.

Nilagdaan nina Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta at Filinvest Land President at CEO Tristan Las Marias ang memorandum of understanding sa Quezon City.

Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary at Pag-IBIG Fund Board of Trustees Chairperson Jose Ramon Aliling, makatutulong ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang mapalawak pa ang mga opsyon sa pabahay para sa mga Pilipino.

Maaari ring makinabang ang prospective homebuyer sa housing loan limit na hanggang P10 milyon, subsidized interest rate na 3% kada taon para sa kwalipikadong socialized housing borrowers sa ilalim ng Expanded 4PH, at promotional rates na 4.5% kada taon para sa loans hanggang P4.9 milyon at 5.75% kada taon para sa loans na higit P4.9 milyon hanggang P10 milyon.

Mailalapit din sa prospective homebuyer ang mga housing opportunity sa pamamagitan ng home-matching activities, housing fairs, property exhibits at information activities.

Magbibigay rin ang Pag-IBIG Fund ng housing loan orientations at assistance sa mga interesadong miyembro, habang tutukuyin naman ng Filinvest Land ang mga participating project at available unit na maaaring ikonsidera ng mga miyembro.

Bahagi ang partnership sa patuloy na pagpapalawak ng Pag-IBIG Fund sa mga katuwang na developer at sa mga housing option na available para sa mga miyembro nito.

Nauna rito, nakipag-partner din ang Pag-IBIG Fund sa SM Development Corp. at mga residential brand ng Ayala Land na Avida Land at Amaia Land.