WebClick Tracer

Diokno: Bakanteng upuan, malamig na mesa hindi dapat magpasya sa impeachment

Binigyang-diin ni House prosecutor Rep. Chel Diokno nitong Miyerkoles na hindi dapat “bakanteng upuan at malamig na mesa” ang magpasya sa kapalaran ng isang opisyal na nililitis sa impeachment.

Sa oral arguments sa Senate Impeachment Court, sinabi ni Diokno na dapat ibatay ang bilang ng botong kailangan para sa conviction sa dami ng mga senador na legal na maaaring magsilbing hukom sa paglilitis.

Aniya, ang mga senador na hindi nanumpa bilang impeachment judges, o yaong legal na hindi maaaring makinig sa ebidensya, magsuri ng mga testigo, mag-deliberate at bumoto, ay hindi dapat awtomatikong makaapekto sa resulta dahil lamang kasama sila sa denominator o basehan ng bilang.

“Paano ito gagawin ng senador na hindi naging hukom? Dahil hindi naman nakapag-oath, paano rin ito gagawin ng hukom na wala naman sa mga pagdinig para masuri ang mga testigo at dokumento?” tanong ni Diokno.

“Kanino haharap at mananagot ang impeached official kung absent o hindi available ang [judge]? Sa bakanteng upuan at mesang malamig?” sambit pa niya.

Ayon pa kay Diokno, pareho pa rin ang ebidensyang ihaharap ng prosekusyon anuman ang maging desisyon ng korte sa kinakailangang bilang ng boto.

“The evidence does not become stronger or weaker depending upon the denominator,” aniya.

“What this court must determine is the constitutionally applicable membership given the Senate’s actual legal capacity to perform its impeachment function, mindful of the circumstances before the court. Ang pinagpapasyahan po ay kung sino constitutionally ang dapat isama sa bilang,” dagdag ni Diokno.

Iginiit ni Diokno na ang impeachment ay isang pambihirang proseso sa ilalim ng Konstitusyon kung saan hiwalay na nanunumpa ang mga senador bilang impeachment judges dahil hindi na lamang sila gumaganap bilang mga mambabatas, kundi bilang mga hukom na kailangang makinig, magsuri, mag-deliberate at magpasya sa kaso.

“Kayo po, you hear, you examine, you deliberate, and ultimately, you judge,” sinabi niya sa impeachment court.

Para sa prosekusyon, mahalaga ang aktibong papel na ito ng mga senator-judges sa pagresolba kung paano dapat kwentahin ang kinakailangang two-thirds vote.

Ayon kay Diokno, kung awtomatikong 24 senador ang gagamiting denominator, maaaring mangyari na pati ang mga senador na hindi naman aktwal na makalahok sa paglilitis ay epektibong makabilang laban sa conviction.

“If the denominator is fixed at 24, conviction would always require 16 votes. Absurd po ito,” aniya.

Kinilala ni Diokno na sadyang mataas ang itinakdang two-thirds requirement ng Konstitusyon para sa conviction. Pero aniya, ibang usapin ang gawing mahirap ang conviction sa pagpapaasa ng resulta sa mga senador na hindi naman maaaring kumilos bilang impeachment judges.

“Making [conviction] harder is not the same as making it depend on senators who are not judges or who are incapable of acting as judges,” ani Diokno.

“That would be tantamount to an acquittal by default, a failure to arrive at the threshold number, caused not by the judgment of the incapacitated senators, but by their mere inclusion in the denominator.” (Dindo Matining)