May posibilidad na dalhin sa Supreme Court (SC) ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang usapin sa voting threshold sa impeachment trial.
Ayon kay Atty. Michael Poa, spokesperson ng defense team, lumahok sila sa oral arguments upang maipaliwanag ang kanilang posisyon tungkol sa bilang ng mga boto na kailangan para mahatulan ang bise presidente.
Sinabi ni Poa na hindi nila isinasantabi ang posibilidad na iakyat sa SC ang naturang usapin matapos baguhin ng impeachment court ang naunang 16-vote requirement.
“Siyempre hindi ko naman ide-deny na ‘yung pag-akyat sa Supreme Court is a real possibility,” ani Poa sa press briefing nitong Setyembre 23.
Gayunman, sinabi niyang kailangan muna nilang pag-usapan ito kasama si Duterte.
“As to when, we will have to discuss the matter with our client… nakatakda namang mag-usap kami very soon,” saad niya. (IS)


