Ipinagtanggol at pinuri ni Palace Press Officer Claire Castro si Naga City Mayor Leni Robredo kaugnay ng P500 milyong pondo mula sa Local Government Support Fund na ipinagkaloob sa lungsod.
Ayon kay Castro, hindi basta-basta ibinibigay ang naturang pondo dahil dumaan umano sa proseso ang kahilingan ni Robredo.
Halos isang taon umanong nag-request si Robredo bago maaprubahan ang pondo para sa renovation at retrofitting ng Jessie Robredo Coliseum.
“Noong naipakita naman po niya na qualified ang kanyang city upang mabigyan ng ganitong klaseng pondo para sa pag-renovate, pag-retrofit ng Jessie Robredo Coliseum, nakuha po niya after a year,” ani Castro.
Ipinunto rin ni Castro na mismong si Robredo ang nagsabing malaking tulong ang LGSF sa mga local government unit at sa kanilang mga residente.
Dagdag pa ni Castro, nagpapakita umano si Robredo ng transparency dahil nagbibigay ito ng mga dokumento at resibo kaugnay ng mga transaksiyon ng lungsod.
“Hindi matatawaran ang honesty — nagbibigay ng resibo itong si Mayor Leni Robredo sa mga bawat transaksiyon. Hindi pinagdududahan, walang mga aliases na mga resibo kaya tingin natin, sa ating palagay ay isang taong may kredibilidad si Mayor Leni Robredo para ipaalam sa ating mga kababayan kung ano ang naitutulong ng LGSF sa mga local government unit,” wika niya.
Binanggit din ni Castro ang desisyon ng Supreme Court sa kasong Belgica vs. Executive Secretary, kung saan sinabi umano ng korte na hindi ipinagbabawal ang LGSF at maaari itong gamitin para sa mga LGU. (IS)


