WebClick Tracer

Cayetano pinuna ‘selective justice’ sa Taguig reclamation probe

Si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano habang pinupuna ang PRA sa selective justice sa reclamation probe.

Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Philippine Reclamation Authority (PRA) na linawin ang aniya’y “selective justice” o hindi pantay na pagpapatupad nito ng mga patakaran sa reclamation.

Sa budget briefing ng PRA nitong September 22, 2026, itinuro ni Cayetano ang pagpapatigil ng mga proyekto sa Taguig habang nagpapatuloy naman ang mas malaking proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Laguna Lake.

Ipinunto niya na iisa ang implementing agency ng dalawang proyekto – ang DPWH – ngunit tila magkaiba ang naging pagtrato sa mga ito.

“I’m trying to see if you are doing selective justice here. You have two projects, one is more than ten times bigger, one is ten times smaller, same proponent. One is even more useful than the other,” sabi niya.

Ang tinutukoy ni Cayetano ay ang Laguna Lake Road Network (LLRN), isang malaking proyekto ng DPWH na kinabibilangan ng pagtatayo ng mga kalsada at reclamation sa kahabaan ng Laguna Lake.

Ayon sa mga opisyal ng PRA, nangako ang DPWH na babaguhin ang alignment at disenyo ng proyekto.

Kinuwestiyon ni Cayetano kung bakit nagpapatuloy ang konstruksyon sa kabila ng kawalan ng mga kinakailangang pag-aaral.

“Ongoing ngayon ‘yung DPWH project na dambuhala ang laki compared sa Taguig. ‘Di nagsubmit sa inyo ng feasibility study (para sa project na y’un), hindi nagsubmit ng environmental study, so you will ignore that? Bakit?” tanong ni Cayetano sa mga opisyal ng PRA.

Kinuwestiyon din ng senador ang pahayag ng PRA na naglabas ito ng show-cause order laban sa Taguig City.

Ayon kay Cayetano, ang liham na inilabas ng ahensya ay humihingi lamang ng kopya ng mga titulo ng lupa at hindi naman malinaw na nagpapaliwanag kung bakit kailangang managot ang lungsod.

Iginiit niya na hindi Taguig ang may hawak ng mga hinihinging dokumento at dapat ang DPWH, bilang proponent ng proyekto, ang manguna sa pag-aayos at pagsusumite ng mga kinakailangang papeles. (Dindo Matining)