WebClick Tracer

Asian Games: ‘Pinas pang-6 sa men’s gymnastics team final

Nagtapos na ika-anim ang Team Pilipinas sa men’s artistic gymnastics team final ng Aichi-Nagoya 2026 Asian Games sa Japan.

Umiskor ang Philippine men’s gymnastics team ng kabuuang 227.359 puntos sa kompetisyon na nilahukan ng walong koponan.

Pinangunahan ng two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo ang koponan.

Nasungkit ng China ang gold medal matapos magtala ng 255.095 puntos, habang silver ang Japan sa 253.826 at bronze ang Chinese Taipei sa 239.896.

Bagama’t hindi nakapasok sa podium ang Pilipinas sa team event, may mga pagkakataon pa ang mga Pinoy gymnast na makakuha ng indibidwal na medalya.

Kasama sina Carlos at Eldrew Yulo sa floor exercise final.

Sasabak din si Carlos sa vault at parallel bars, habang lalaban naman si Eldrew sa high bar at si Miguel Besana sa vault final.

Natapos man ang team event, nagpapatuloy pa rin ang laban ng Team Pilipinas para sa mga medalya sa individual events. (IS)