Pinusuan ng netizens ang sweet na birthday message ni Angelica Panganiban para sa kanyang anak na si Amila Sabine na nagdiwang ng 4th birthday.
Sa kanyang social media post, ibinahagi ng aktres ang mga cute na larawan at video ng kanyang anak habang binabalikan ang apat na taon ng kanyang pagiging ina.
Ayon kay Angelica, mas naging madaldal si Amila ngayong apat na taong gulang na ito.
Ibinahagi rin niya ang ilang bagay na kanyang hinahangaan sa anak, kabilang na ang pagiging matulungin nito sa mga gawaing bahay, pagiging maalaga sa kanilang mga alagang hayop at pagiging palakaibigan.
Naantig din si Angelica sa pagiging mapagmahal ng anak sa mga hayop. Aniya, naiyak si Amila nang makita nitong nakakulong ang kanilang mga kuneho.
Kuwento pa ng aktres, mahilig kumanta si Amila habang nasa biyahe papunta sa paaralan at madalas ding magkuwento tungkol sa mga kaibigan at guro nito.
Hiling ng aktres na manatili kay Amila ang kanyang “sparkle” habang siya ay lumalaki, na tinuturing niyang superpower ng kanyang anak.
“Keep that sparkle on, my little love. That is your super power. I love you, Happy Birthday,” saad ni Angelica.
Nag-share rin siya ng ilang larawan mula sa birthday celebration ng kanyang anak.
“This kind of happiness that she’s given us since the day she was born. It’s only right that we make her feel the same. Love you, my sunshine,” caption niya.
Si Amila ay anak ni Angelica sa kanyang asawang si Gregg Homan.
Ipinanganak ang kanyang Baby Bean noong Setyembre 20, 2022. (IS)


