WebClick Tracer

Agana Bridge sa Tarlac City nadaraanan na – DPWH

Nadaraanan na ng mga residente at motorista ang bailey bridge na nagsisilbing pansamantalang tawiran sa Agana Bridge sa Tarlac City nitong Miyerkoles, Setyembre 23.

Sa isang Facebook post, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakumpleto ang konstruksyon ng pansamantalang tulay tatlong linggo matapos gumuho ang bahagi ng Agana Bridge noong Agosto 29.

Ito ay kasunod ng malakas na pag-ulan na dala ng habagat.

Isinagawa ang 24/7 construction works sa lugar alinsunod sa kautusan ni Public Works Secretary Vince Dizon upang mapabilis ang pagbubukas ng tulay.

Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad maibalik ang koneksyon at access sa Tarlac at mga kalapit na bayan, ayon pa sa DPWH. (AC)