Kinumpirma ng Malacañang na ikinokonsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang paggawad ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hintayin na lamang kung ano ang magiging desisyon ng Pangulo at kung kailan ihahayag ito.
Sinabi ni Castro na kasama sa ikinonsidera sa absolute pardon bukod sa makataong kadahilanan ay ang binabanggit aniya sa simula na wala umanong kasalanan si Veloso nang maaresto ito sa Indonesia at nakuhanan ng 2.16 kilo ng heroine sa kanyang bagahe noong 2010.
Kasabay nito, sinabi ni Castro na hindi na kailangang ipaabot sa gobyerno ng Indonesia sakaling mabigyan ng absolute pardon si Veloso kung saan nakulong ito sa death row ng 10 taon.
Si Veloso ay nahatulan ng parusang kamatayan sa Indonesia dahil sa pagdadala ng ilegal na droga at kalaunan ay nabigyan ng reprieve hanggang sa ilipat ito ng Indonesian government sa kustodiya ng gobyerno ng Pilipinas matapos ang matagumpay na diplomatic negotiations sa pagitan ng dalawang bansa.
Kasalukuyang nakakulong si Veloso sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City. (Aileen Taliping)


