Nasabat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang 23.7 toneladang copper ore na umano’y ilegal na iniluluwas o ibinibiyahe sa Barangay Tejero, Cebu City.
Dakong alas-3 ng hapon nitong Setyembre 22 nang isagawa ng CIDG Mandaue City Field Unit, katuwang ang Mines and Geosciences Bureau Region VII, Cebu City Environment and Natural Resources Office at Philippine Coast Guard, ang operasyon sa ilalim ng Oplan Kalikasan.
Naaresto rin ang driver ng 10-wheeler wing van na kargado ng tinatayang 23,760 kilo ng copper ore, na tinatayang nagkakahalaga ng nasa P800,000.
Ayon sa CIDG, nagpakita ang driver ng Ore Transport Permit o OTP at Certificate of Mineral Origin, ngunit nang beripikahin ng MGB Region VII, lumitaw umanong palsipikado ang mga dokumento, dahilan para ituring na ilegal ang transportasyon ng mineral.
Sakop umano ito ng Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995, kung saan itinuturing na pangunahing paglabag ang pagbiyahe ng mineral ore nang walang balidong permit, at maaaring magsilbing prima facie evidence ng illegal mining ang kawalan ng Ore Transport Permit.
Patuloy namang pinaigting ng CIDG ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan at hinikayat ang publiko na ireport ang mga ilegal na aktibidad na maaaring makapinsala sa likas na yaman ng bansa.


