WebClick Tracer

2 babaeng immigration officer nagsabunutan sa NAIA Terminal 3

Nagkagulo at nabulabog ang mga pasaherong nakapila sa arrival immigration counters ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos mauwi sa pisikalan ang dalawang babaeng immigration officer kagabi, Setyembre 22.

Batay sa report ng PNP Aviation Security Group, bandang alas-9 ng gabi habang kasagsagan ng pagdating ng mga pasahero, nasa counter area ang unang immigration officer nang bigla umano siyang lapitan at sugurin ng kapwa immigration officer.

Pinagsalitaan umano ng masasakit na salita ng sumugod na immigration officer ang unang immigration officer habang bini-video gamit ang cellphone.

Sa inis umano ng unang immigration officer, hinablot niya ang cellphone ng nanugod sa kanyang immigration officer.

Ngunit dahil sa mabilis na pangyayari, buhok ng nanugod na immigration officer ang kanyang nahawakan.

Nauwi ito sa balyahan at sabunutan. Sa gitna ng gulo, napalo umano ng cellphone ang kaliwang bahagi ng mukha ng nanugod na immigration officer.

Samantala, namaga naman ang kaliwang pisngi ng unang immigration officer matapos ang insidente.

Agad namagitan ang kanilang mga kasamahang immigration officer at supervisor upang awatin ang dalawa.

Isa umano sa pinag-ugatan ng alitan ng dalawang babae ang isang lalaking immigration officer na kapwa nila empleyado at sinasabing parehong iniibig ng dalawa.

Nakarating na kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang kaguluhang naganap mismo sa immigration counters.

Iniutos na rin umano ni Viado ang imbestigasyon sa insidente.