WebClick Tracer

Water detention basin itinatayo sa Rajah Sulayman Plaza sa Maynila

Ininspeksyon ni DPWH Secretary Vince Dizon ang water detention basin sa Rajah Sulayman Plaza sa Maynila.

Isang water detention basin ang itinatayo sa ilalim ng Rajah Sulayman Plaza sa Maynila upang makatulong na maibsan ang pagbaha sa Malate, Remedios at mga lugar patungong Taft Avenue, ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon nitong Martes.

Ininspeksyon ni Dizon ang 4.6-metrong lalim na pasilidad na kaya umanong mag-imbak ng tubig-ulan na katumbas ng hanggang isa at kalahating Olympic-sized swimming pool.

“Sabi ng Pangulo, tama na ang diskusyon, tama na ang salita, aksyon na tayo. Kaya nagpapasalamat tayo sa City of Manila, kay Mayor Isko [Moreno], na binigyan niya tayo ng permit na gumawa dito sa ilalim ng Rajah Sulayman [Plaza],” ani Dizon.

“Ito ang magse-serve na detention basin para sa area ng Malate, Remedios, papuntang Taft Avenue,” dagdag niya.

Patuloy naman ang drainage improvements, paglilinis at pagpapalawak ng mga pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila upang makatulong na mapabilis ang daloy ng tubig sa mga kanal, estero at ilog, ayon pa sa Department of Public Works and Highways (DPWH). (AC)