WebClick Tracer

TV host pinagpapaliwanag dahil sa pagmamaneho nang walang seatbelt

Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang sasakyan na isa umanong TV host matapos makita sa isang video na nagmamaneho nang walang seatbelt.

Ayon sa LTO, makikitang walang suot na seatbelt ang driver habang nagmamaneho, habang nagre-record naman ang kanyang mga kasama ng kanilang kantahan sa loob ng sasakyan.

Sa dulo ng video, bumaba rin umano ito ng sasakyan habang nasa kalsada, iniwang bukas ang pinto bago muling sumakay.

Inatasan ang driver at may-ari na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO sa Setyembre 29.

Pinagpapaliwanag ang mga ito kung bakit hindi dapat managot ang driver sa mga paglabag na failure to wear the prescribed seatbelt device at reckless driving, pati na sa posibleng deklarasyon bilang improper person to operate a motor vehicle.

Samantala, ipinatupad na ng LTO ang 90-araw na preventive suspension sa lisensya ng driver at inatasan siyang isuko ito sa ahensya. Isinailalim din sa alarm status ang SUV habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, walang masama sa paggawa ng content o pagsasaya sa loob ng sasakyan, ngunit hindi dapat isantabi ang kaligtasan.

“Bilang lisensyadong drayber, alam niya ang kanyang responsibilidad na magsuot ng seatbelt, manatiling nakatuon sa pagmamaneho, at sumunod sa iba pang umiiral na batas-trapiko,” ani Lacanilao. (AC)