WebClick Tracer

Tinio nalula sa ‘LGU pork’ ng Presidente

Nalula si ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio sa pambirang paglaki ng umano’y presidential pork na idadaan sa mga local government unit (LGU).

Tinutukoy ng mambabatas ang Financial Assistance to Local Government Units (FALGU) na nasa ilalim ng Local Government Support Funds (LGSF) na mula sa dating P5 bilyon ay naging P18.9 bilyon noong 2025 at pinalobo sa P37.5 bilyon ngayong 2026 at panibagong P37.5 bilyon sa 2027, na gagamitin umano sa infrastructure projects.

“Pambihira itong President’s LGU pork na ito. Walang anumang limit sa dami at laki ng budget para sa infrastructure projects ng local chief executives na maaaring pondohan ng Financial Assistance to LGUs,” ani Tinio.

“May local chief executives na nakatanggap ng budget allocation as high as P500-830 million in 2025, at as high as P937.7 million in 2026. Samantala mayroon ding mga nakatanggap lang ng P2-5 million. Kapuna-puna ang allocation disparity. Tapos ngayong taon, planong na laanan ng napakalaking P37.5 billion,” dagdag pa ng mambabatas.

Idinetalye ni Tinio ang mga nabigyan ng alokasyon noong 2025:

Provincial level

Sulu – P830 million

Sultan Kudarat – P449 million

Camiguin – P280 million

Iloilo – P265 million

Samar – P229 million

City level

Manila City – P500 million

Naga City – P500 million

Tagum City – P319 million

Mandaluyong City – P300 million

Baguio City – P220 million

Municipal level

Carmen, Davao del Norte – P175 million

Laak, Davao de Oro – P168 million

Luuk, Sulu – P150 million

Del Carmen, Surigao del Norte – P100 million

Hilongos, Leyte – P100 million

Ngayong 2026 aniya, nakapaglabas na umano ang Malacanang ng P24.5 bilyon mula sa P37.5 billion na pondo ng FALGU noong Mayo 31, 2025 at kabilang sa mga nakatanggap ang mga sumusunod:

Provincial level

Batangas – P868 million

Pangasinan – P384 million

Bulacan – P378 million

Rizal – P376 million

Cebu – P360 million

City level

Quezon City – P937.7 million

San Juan City – P522 million

Caloocan City – P430.9 million

Manila City – P286 million

Valenzuela City – 218 million

Municipal level

Echague, Isabela – P35 million

Lopez, Quezon – P25 million

Compostela, Davao de Oro – P25 million

Apalit, Pampanga – P25 million

San Manuel, Tarlac – P25 million

“Next year, Malacanang seeks another P37.5 billion budget for FALGU. Nakasaad sa DBM Guidelines, bukod sa scorecard, ikokonsidera rin daw ng DBM ang “necessity, just and equitable distribution among LGUs. Mukhang ito ang resulta: ang napakalaking disparity ng alokasyon ng President’s LGU Pork,” ani Tinio.

Ayon sa mambabatas, ang mga local executive ay maaring pumili ng proyekto na paggagamitan sa pondo tulad ng medical assistance, scholarships, food assistance, farm-to-market roads, local roads and bridges, multipurpose buildings, medical equipment, purchase of ambulances, mini fire trucks at flagship infrastructure projects.

Base din aniya sa DBM Guidelines, kapag ayuda ang request ng mga LGUs ay P50 million ang ibibigay sa probinsya at mga siyudad, P20 million sa mga bayan at P5 million sa barangay subalit imprastraktura ay P10 million ang ceiling sa bawat barangay. (Bernard Taguinod)