Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang rider na umano’y nambato ng batang sakay ng tricycle kasama ang kanyang ina.
Ayon sa LTO, nagdulot ang insidente ng sugat sa noo ng bata. Bago nito ay nagkaroon umano muna ng alitan, batay sa paunang impormasyon.
Makikita rin umano sa video na patuloy na kinukuhanan ng rider at ng angkas nito ang biktima habang sakay ng tricycle.
Sa bisa ng show cause order, inatasan ang rider at rehistradong may-ari ng motorsiklo na humarap sa Intelligence and Investigation Division sa Setyembre 29 at magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay at iba pang dokumento.
Humaharap ang dalawa sa alegasyon na reckless driving, paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, failure to wear the standard protective motorcycle helmet, failure to require the back rider to wear the standard protective motorcycle helmet at motor vehicle operating without accessories.
Samantala, isinailalim sa 90 araw na suspensyon ang lisensya ng rider at inatasan itong isuko sa LTO. Inilagay naman sa alarm status ang motorsiklo habang isinasagawa ang kaukulang proseso.
Hinikayat naman ng LTO ang publiko na patuloy na magsumite ng mga ulat at video ng mga paglabag sa batas-trapiko upang agad na maimbestigahan at maaksyunan ng ahensya. (AC)


