WebClick Tracer

Red notice kay Harry Roque tinatrabaho na ng Interpol

Tinatrabaho na umano ng International Criminal Police Organization o Interpol ang red notice laban kay dating Presidential Spokesman Harry Roque.

Ito ang lumabas matapos uriratin ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña sa budget deliberation ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nagkakahalaga ng P332.50 bilyon ang kaso ni Roque.

Sa pamamagitan ni Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella na nag-sponsor sa budget ng DILG, muling kinumpirma ang unang pahayag ni Secretary Jonvic Remulla na hindi inaksyunan ng Austria ang asylum application ni Roque.

Bagama’t hindi pa tinatanong ni Cendaña, ibinoluntaryo na ni Fuentebella na naisumite na rin umano ng Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) ang mga dokumentong hiningi ng Interpol para sa red notice laban kay Roque.

“Regarding red notice, all documents requested by the Interpol has been sumitted by the PCTC,” ani Fuentebella.

Indikasyon ito na kumikilos na ang Interpol para maisailalim na sa red notice si Roque na ikinatuwa ni Cendaña.

“Kasi po nababahala ang taumbayan na ginagawa at inaabuso ng mga pugante ang proseso ng political asylum. Iba ang political persecution sa totoong nagkasala sa batas and no less then a former law school (professor) from University of the Philippines know this,” ani Cendaña.

Si Roque ay nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) na namayagpag noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa kasalukuyan ay nasa Europa ito at nag-apply ng asylum sa Austria. (Bernard Taguinod)