Inaprubahan ng Quezon City court ang hirit na bawasan ang piyansa ni Lakambini “Lakam” Chiu, ang nakatatandang kapatid ng TV host-actress na si Kim Chiu, kaugnay ng kasong kinakaharap nito.
Ayon sa legal counsel ng akusado, binawasan ng korte ng P200,000 ang naunang itinakdang P5.8 milyong piyansa, kaya umabot na lamang ito sa P5.6 milyon.
“Nabawasan po ng P200,000. Tapos pinayagan po na makapag-post ng cash bond at ire-reduce by 50 percent ‘yong P5.6 million na lang siya from P5.8 kung cash bond; pero kung surety, it will still be pegged at P5.6 million,” ani Atty. Dominic Solis sa ABS-CBN News.
Pinag-aaralan pa raw ng kanilang kampo ang pinakamainam na opsiyon ngunit target nilang maiproseso ang pansamantalang paglaya ni Lakam sa loob mismo ng linggong ito.
Nahaharap ang 45-anyos na negosyante sa 124 counts ng qualified theft kaugnay ng umano’y paglustay o pagkuha ng pondo ng kompanyang pagmamay-ari ng magkakapatid na Chiu.
Noong Disyembre 2025, isinampa ni Kim ang reklamo matapos umanong matuklasan ang mga iregularidad sa pananalapi ng kompanya.
Inaresto si Lakam noong Setyembre 20 sa Barangay Wack Wack, Mandaluyong City.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Kamuning Police Station 10 at kinilala bilang No. 6 Most Wanted Person nito. (IS)


