Nagbabala ang Philippine Embassy in France sa mga Pilipino laban sa pagsasagawa ng ilegal na sabong at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa ilegal na pagsusugal sa bansa.
Sa abiso ng embahada, sinabi nitong nakatanggap ito ng impormasyon mula sa French authorities tungkol sa mga aktibidad na isinasagawa umano ng ilang Pilipino sa France.
May mga reklamo rin umanong natanggap kaugnay ng kaguluhan at pagtatapon ng basura na iniuugnay sa mga naturang aktibidad.
Ayon sa embahada, itinuturing na animal cruelty sa France ang ilegal na sabong.
“Filipinos in France are therefore advised that illegal cockfighting is an act of animal cruelty punishable in France by three-year imprisonment and a fine of 45,000 euros,” saad ng embahada.
Hinimok naman ng embahada ang mga Pilipino sa France na sumunod sa mga batas ng bansa bilang bahagi ng kanilang responsibilidad bilang mga residente at manggagawa roon.
“Let us maintain the good name and reputation of the Filipino community with our French hosts,” pagbibigay-diin pa nito. (AM)


