Ikinabahala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang insidente ng pamamaril ng isang estudyante sa South Cotabato na ikinasawi ng tatlong estudyante, kabilang na ang shooter, at ikinasugat ng anim na iba pa noong September 18.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nabasa ng Pangulo ang report patungkol sa insidente at sinabi nitong nakakabahala at hindi normal ito na nangyayari sa isang kabataan.
Ito aniya ang dahilan kaya pinaaksiyonan nito sa Department of Education (DepEd) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang insidente at magpatupad ng mga hakbang upang mapigilan ang mga ganitong insidente.
Sinabi ni Castro na nakausap na niya si DILG Secretary Jonvic Remulla at ipinabatid na magkakaroon ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng DepEd na magkaroon ng mga bantay sa loob ng mga paaralan tulad ng mga tanod, partikular ang mga kababaihan para mag-monitor at mag-patrol sa lahat ng mga paaralan.
Kailangan din aniyang mas mapaigting ang ugnayan sa pamilya upang magabayang mabuti ng mga magulang ang kanilang anak laban sa impluwensiya ng social media at mga mararahas na apps. (Aileen Taliping)


