WebClick Tracer

Panelo: Cory, Leni, PBBM nagdeklara rin ng business interest sa pribadong kompanya

Walang anumang nilabag sa Saligang Batas si Vice President Sara Duterte sa pagkakaroon ng business interest sa Gencorp Industries, ayon sa tagapagsalita ng bise presidente na si Atty. Paolo Panelo.

Ito ang binigyang-diin ni Panelo kaugnay ng mga ibinabatong usapin ng prosecution team sa impeachment trial na mas malinaw pa umano sa sikat ng araw na pinagbabawalan ng Saligang Batas si VP Sara na magkaroon ng financial interest o shares sa pribadong kompanya.

Ayon kay Panelo, walang nakasaad sa Article VII, Section 13 ng 1987 Constitution na nagbabawal sa Pangulo, Bise Presidente o mga miyembro ng gabinete na magkaroon ng business o financial interest sa anumang pribadong kompanya.

Ipinaalala rin ng tagapagsalita ang kaparehong pagdedeklara ng mga negosyo at shares sa SALN ay ginawa rin ng iba pang mga naging pinuno ng bansa tulad nina dating Pangulong Cory Aquino, dating Vice President Leni Robredo at mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Former President Cory Aquino consistently declared at least in her 1989, 1990, and 1992 SALNs that she was a shareholder or investor of 11-12 corporations. Former Vice President Leni Robredo reportedly declared in her 2022 SALN that she is a shareholder of Meralco and Rockwell Land,” giit niya.

“President Bongbong Marcos Jr. has consistently declared in his SALNs as President that he has business interests in or a financial connection to Araca Resources Corporation and El Paraiso Farms, Inc.,” dagdag pa ni Panelo.

Kinuwestiyon ni Panelo kung bakit nagkakaroon ngayon ng magkaibang pamantayan at interpretasyon sa batas pagdating lamang kay Vice President Duterte.

“Kung malinaw na bawal, eh di sana sinunod ito ni President Cory Aquino, ang kauna-unahang Pangulo ng bansa sa ilalim ng 1987 Constitution. Ngayon, porket Duterte iba na ang timpla,” saad niya. (IS)